Target ng Department of Agriculture (DA) na simulan ang implementasyon ng farm-to-market (FMR) road projects sa buwan ng Abril ngayong taon.

Sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA), nakakuha ang DA ng alokasyon na P33 billion para sa 2,300 kilometers na mga bagong farm-to-market roads sa buong bansa.

Sinabi ito ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr sa paglulunsad ng “FMR Watch” Transparency Portal sa Quezon City.

Ayon naman kay DA-Bureau of Agricultural and Fisheries Engineering (BAFE) Director Cristy Polido, inaasahan din ng ahensiya na simulan ang implementasyon ng FMR sa sandaling makumpleto na ang implementing guidelines.

Sinabi niya na inaasahan na matatapos nila ito sa kalagitnaan ng susunod na buwan, na kanilang isusumite sa Department of Budget and Management (DBM) para sa paglalabas ng pondo at pagpapatupad ng mga nasabing proyekto.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Tiu Laurel, nakikipag-ugnayan na sila sa contractors association para sa final costing at maging sa local government units na interesado sa partnership sa ahensiya sa pagpapatupad ng FMR projects.

Sinabi ni Laurel na ang budget na P33 billion para sa FMR projects ay maipatutupad sa loob ng dalawang taon.