ctto

TUGUEGARAO CITY- Nangako si Magsasaka Partylist Congressman Argel Cabatbat na ilalaban nila sa kongreso na dagdagan ang budget ng Department of Agriculture na binawasan ng halos P10 bilyon.

Sinabi ni Cabatbat na tiyak na maraming programa sa sektor ng agrikultura ang maaapektuhan dahil sa proposed budget ng DA na P66B lamang mula sa dati na P76B ngayong 2020.

Ayon sa mambabatas, kailangan ang mas malaking budget para sa DA upang matulungan ang mga magsasaka ngayong panahon ng pandemya.

Sinabi niya na ang mga dapat na paglaanan ng malaking pondo ng DA ay sa market development at pagsasaayos sa supply chain ng mga produkto ng mga magsasaka.

Tinig ni Congressman Argel Cabatbat

Sinabi niya na dapat na magtayo ng mga community markets sa sitwasyon ngayon dahil sa limitado ang galaw ng mga tao dahil sa pandemya.

-- ADVERTISEMENT --
Tinig ni Congressman Argel Cabatbat

Bukod dito, sinabi niya na hindi rin lubos na magtatagumpay ang “plant, plant, plant” program ng pamahalaan kung hindi sapat ang suporta mula sa pamahalaan.

Sinabi niya na kaakibat nito ang pagkakaroon ng storage facilities at pagtuturo ng food processing upang hindi masayang ang mga hindi agad mabibiling mga agricultural products.

Umaasa siya na pakikinggan ng pamahalaan ang kanilang panawagan na dagdagan ang Pondo ng DA.

Iginiit niya na hindi dapat na tinitipid ang pondo ng DA dahil sa panahon ngayong pandemya ay hindi natin kailangang umasa sa ibang bansa.

Hindi rin siya sang-ayon sa basehan ng Department of Budget and Management sa pagtatakda ng pondo ng DA.

Ayon sa kanya, dahil sa mababa umano ang kontribusyon ng agriculture sector sa Gross Domestic Product kaya mas mababa din ang pondo para dito.

Binigyan diin niya na kabaliktaran dapat ang ginagawa ng executive branch na maglaan ng malaking pondo sa nasabing sektor para sa mas mapalago at makapag-ambag din ng malaki sa ekonomiya.

Tinig ni Congressman Argel Cabatbat