
Nanatiling suspendido ang ipinatupad na dagdag-pasahe sa mga pampublikong sasakyan na inaprubahan noong Marso 2026, ayon kay Transportation Secretary Giovanni “Banoy” Lopez.
Ayon kay Lopez, ipinagpaliban ang implementasyon ng fare hike dahil sa pagtaas ng presyo ng langis na dulot ng tensyon sa Middle East, at mananatiling nakabinbin ang pagpapatupad nito sa kasalukuyan.
Noong Marso, sinuspinde ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang dagdag-pasahe na inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa kabila ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Kabilang sa inaprubahang dagdag-pasahe ang ₱1 hanggang ₱40 na taas-singil sa iba’t ibang pampublikong utility vehicle, maliban sa regular na taxi at motorcycle taxi. Dapat sana itong ipatupad noong Marso 19, 2026.
Nilinaw naman ni Lopez na magpapatuloy ang mga pagdinig sa petisyon para sa dagdag-pasahe kahit nananatiling suspendido ang aprubadong fare hike.









