
Binawi ng LTFRB ang authority to operate at renewal applications ng dalawang Transport Network Companies o TNCs dahil sa paglabag sa mga regulasyon.
Kabilang dito ang Leggo Information Technology Solutions at Aztech Solutions International Corp.
Ayon sa LTFRB, napatunayang tumigil na sa operasyon ang dalawang kumpanya at hindi nakapagbigay ng sapat na paliwanag o nakasunod sa mga itinakdang regulatory conditions.
Una nang kinansela at binawi ng ahensya ang kanilang Certificates of Accreditation matapos mabigong maipaliwanag ng mga kumpanya ang mga isyung administratibo laban sa kanila.
Sinabi ni LTFRB acting chairperson Greg Pua Jr. na may kaakibat na responsibilidad at obligasyon ang pagkakaroon ng accreditation, kabilang ang pagbibigay ng maayos na serbisyo sa mga commuter.
Ang Leggo ay kabilang sa mga ride-hailing firm na sinuspinde ng isang taon ng LTFRB noong Pebrero dahil sa kabiguang tumugon sa show-cause order kaugnay ng kawalan ng aktibong digital technology para sa kanilang partners at clients.
Samantala, ang Aztech ang operator ng dating ride-hailing service na Snappy, na hindi na kasalukuyang nag-ooperate.










