Nagpapagaling na sa pagamutan ang isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) matapos ang pananaksak ng kanyang kasamahan dahil lamang sa nagkagulangan sa duty sa bayan ng Gattaran.
Nagtamo ng isang tama ng saksak sa tiyan ang biktimang si Severino Arnedo, 52-anyos ng Barangay Mabuno habang sinampahan na ng kasong frustrated homicide ang suspek na si Mariel Tajon, 38-anyos ng Barangay Agaman Norte, Baggao.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PMAJ Edwin Aragon, hepe ng PNP-Gattaran, nangyari ang insidente sa loob mismo ng kanilang patrol base sa Capissayan Norte noong bisperas ng bagong taon.
Dakong alas 9:00 ng gabi nang dumating ang biktima sa kanilang kampo kung saan nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa na kapwa nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin nang maungkat ang kanilang dating alitan hinggil lamang sa gulangan sa duty.
Nagsuntukan ang dalawa hanggang sa naawat sila ng mga kasamahan sa kampo at nakita ang duguang katawan ng biktima na kaagad isinugod sa pagamutan sa Tuguegarao City.
Kinaumagahan nang isinuko ang suspek sa pulisya kasama ang folded knife na ginamit sa pananaksak na may habang 9 inches.