Arestado ang isang lalaki matapos pagsasaksakin ang kanyang dating kinakasama at kinakasama ngayon ng biktima sa loob ng bahay sa isang subdivision sa Brgy. Cabuco, Trece Martires City, Cavite kahapon.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Trece Martires City Police Station, alas-2:45 ng hapon nang pasukin ng suspek na si alias ‘Ardin’, ang bahay ng kanyang dating live-in partner na si Mary Grace Tanzo habang kumakain ito kasama si Richard Capucanan, 39 anyos.

Lumalabas na lasing ang suspek nang mangyari ang insidente at armado ng dalawang patalim.

Agad niyang pinagsasaksak ang mga biktima kung saan nagtamo ng sugat sa leeg si Capucanan, habang tinamaan naman sa balikat at daliri si Tanzo.

Mabilis na naisugod ang dalawa sa General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital para lapatan ng agarang lunas.

-- ADVERTISEMENT --

Agad ding rumesponde ang mga pulis at nahuli ang suspek ilang minuto matapos ang insidente.

Ayon sa awtoridad, selos ang posibleng motibo sa insidente.

Nasa kustodiya na ngayon ng Trece Martires City Police Station ang suspek at mahaharap sa kasong 2 counts ng frustrated homicide.