Huli ang isang lalaki dahil sa panghahalay umano sa isang 15-anyos na babae sa banyo ng isang gas station sa Marikina.
Sinabi ng Marikina Police na nag-iikot noon ang kanilang mga tauhan na napansin nila ang dalagita sa isang gasolinahan sa may JP Rizal sa gitna ng curfew hours.
Sinita nila ang bata, at sinabi nito na hinihintay niya ang kanyang kapatid na nasa banyo.
Dito na biglang lumabas ang isang lalaki, at sinundan ng dalagita sa CR.
Dahil dito, nagduda ang mga pulis.
Isinalaysay ng dalagita sa mga pulis ang naganap sa loob ng banyo.
Ayon sa dalagita, hinalikan siya ng dalawang beses, at hinawakan sa maseselang bahagi ng kanyang katawan, at pagkatapos ay hinalay na umano siya ng lalaki.
Binigyan umano ang dalagita ng P150 ng suspek.
Dahil dito, hinuli ng mga pulis ang lalaki.
Ayon sa pulisya, sinabi ng suspek na nagtatrabaho sa isang convenience store sa gasolinahan na kakilala niya ang dalagita na palagi sa lugar at namamalimos.
Sinabi niya na nag-ahit lang umano siya sa loob ng CR na pambabae dahil maaliwalas ito at madalas niyang puntahan.
Isinara niya umano ang main door sa pag-aakalang walang ibang tao sa CR.
Nagkataon lamang na paglabas niya, naroon din ang pulisya.
Itinanggi niya ang akusasyong panggagahasa, at pinabulaanang binigyan niya ng pera ang menor de edad.
Nakakulong sa Marikina City Police Custodial Facility ang suspek na sasampahan ng reklamong statutory rape.