
Nasawi ang dalawang babae matapos masangkot sa banggaan sa Zone 4, Barangay Nangalinan, Baggao bandang 1:15 ng hapon nitong Hunyo 18, 2025.
Ayon kay PCapt. Vicente Orquia ng PNP Baggao, natanggap nila ang tawag mula sa kapitan ng barangay ukol sa insidente.
Agad rumesponde ang mga awtoridad at inabutan na naisugod ng Baggao Rescue ang mga biktima sa Baggao District Hospital, na idineklara silang dead on arrival ng doktor na sumuri sa kanila.
Batay sa paunang imbestigasyon, parehong tumatakbo sa magkasalungat na direksyon ang dalawang sasakyan nang maganap ang aksidente sa pakurbang bahagi ng kalsada.
Minaneho ni Angel Boy Bartolome, 32-anyos, may asawa, at residente ng Brgy. Mocag, ang isang Honda CRV.
Nasapul ng SUV ang paparating na motorsiklong Yamaha Fazzio 125 na minaneho ni Jessa Hernandez, 24-anyos, may student permit, bagong graduate ng BSED Mathematics, kasama niya ang backrider na si Jocelyn Lucena, 37-anyos, single, na kapwa taga-Zone 6, Nangalinan, Baggao.
Dahil sa lakas ng salpukan, tumilapon ang isang sakay ng motorsiklo habang nakaladkad ang motorsiklo kasama ang isa pang sakay nito ng tinatayang 30 metro.
Ayon kay Orquia, nagtamo ng matitinding pinsala sa katawan ang dalawa na naging sanhi ng kanilang kamatayan.
Sinubukang tumakas ng suspek ngunit nawalan ito ng kontrol sa manibela at bumangga sa puno ng niyog sa gilid ng kalsada.
Nahuli naman ng mga rumespondeng pulis ang driver-suspek na napag-alamang nasa ilalim ng impluwensiya ng nakalalasing na inumin nang maganap ang insidente.
Sa ngayon ay nakakulong na sa PNP Baggao ang uspek na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property.