Naisampa na ang kasong kriminal laban sa dalawang babae na kinabibilangan ng isang menor de edad na itinuturong bugaw ng mga menor de edad na babae at ibinebenta sa mga naghahanap ng sex service sa kalapit na bayan sa Buguey, Cagayan.

Kinilala ni PLT Maricon Labsang, deputy chief of police ng PNP-Buguey ang dalawang suspek na nahuli sa magkahiwalay na lugar sa isinagawang entrapment operation na sina alyas Nympha, 15-anyos at alyas Remedios, 32-anyos na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act.

Nag-ugat ang operasyon sa reklamo ng isang 16-anyos na babae na umanoy limang beses na ibinugaw ng dalawang suspek sa halagang P1,500 bawat customer na hahatiin pa sa tatlo.

Buwan ng Marso ngayong taon nang unang nangyari ang pambubugaw at inalok ang biktima sa isang lalaki na kakilala ni alyas Remedios sa bayan ng Sta Teresita at matapos magpahinga ay muli siyang inalok sa kakilala naman ni alyas Nympha na empleyado ng isang ospital sa bayan ng Camalaniugan.

Pagkatapos nito ay naulit pa umano ang naturang pangyayari sa ibang mga customers na nag-udyok naman sa biktima na magsumbong na sa kanyang lola na siyang sumama sa kanya sa pulisya para magreklamo.

-- ADVERTISEMENT --

Unang nahuli si alyas Nympha at sumunod si alyas Remedios sa kani-kanilang barangay matapos tanggapin ang marked money na tig- P2,000 bilang bayad para sa isang babae na nagpanggap na posuer customer.

Depensa naman ng dalawa, hindi nila pinilit ang biktima at kung minsan aniya ay siya pa mismo ang nagpapahanap ng customer tuwing nangangailangan ito ng pera.

Samantala, inaasikaso na ng pulisya ang kasong rape na isasampa laban sa dalawang naunang customer na natukoy ng menor de edad na biktima.