
Narekober na ang dalawang bangkay mula sa tatlong residente ng Barangay Badduat, Kabugao, Apayao na natabunan ng gumuhong lupa nitong Nobyembre 20, 2025.
Agad na kumilos ang lokal na pamahalaan, kasama ang 98th Infantry Battalion, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office matapos matanggap ang ulat mula sa MDRRMC–Operation Center.
Nagsagawa ng inter-agency briefing ang LGU-Kabugao upang maayos na maitakda ang koordinadong operasyon bago tumungo ang mga responder sa lugar.
Sa tulong ng mga residente, matagumpay na nahanap at narekober ang dalawang biktima sa bulubunduking bahagi ng barangay.
Samantala, pansamantalang itinigil ang paghahanap sa isa pang nawawala dahil sa patuloy na banta ng karagdagang pagguho sa matarik na bahagi ng kabundukan, bilang pag-iingat sa kaligtasan ng mga nagsasagawa ng operasyon.
Ang mga naunang narekober na labi ay nasa kustodiya na ng mga awtoridad para sa kinakailangang dokumentasyon bago tuluyang maibigay sa kanilang mga pamilya.










