
Hindi pinayagan ng Sandiganbayan ang dalawang cashier mula Department of Public Works and Highways (DPWH) Mimaropa na tumestigo sa bail hearing ng siyam nilang katrabaho na mga kapwa akusado ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co sa kasong malversation sa road dike project sa Oriental Mindoro.
Hiniling ng prosecution na humarap sina DPWH-Mimaropa cashiers Carla Grace Dajonog at Pilar Gacutan para tumestigo na tumanggap ang contractor na Sunwest Inc. ng bayad mula sa regional office sa pamamagitan ng electronic disbursement management system (eDMS) ng Land Bank of the Philippines.
Subalit tinanggap ng Sandigan Sixth Division na pinamumunuan ni Associate Justice Sarah Fernandez ang objection ng depensa.
Nag-object si Claudette Manalastas, defense counsel ni dating DPWH Mimaropa Regional Director Gerald Pacanan, dahil hindi kasama ang mga nasabing testigo sa listahan ng pretrial brief ng prosecution at ang pagpayag sa kanila na maging testigo ay paglabag sa karapatan ng akusado na maipaalam ang mga testigo laban sa kanila.
Humiling naman ng reconsideration ang prosecution, kung saan iginiit nila na mahalaga ang testimonya ng dalawang cachiers dahil may access sila sa eDMs, batay sa unang pahayag ng testigo na si Cecilia Vicquerra, finance division chief ng DPWH- Mimaropa.
Gayunman, hindi pa rin pinagbigyan ng korte ang mosyon.
Samantala, inaasahan na tetestigo sa kaso sa Huwebes ang barangay chairman ng Barangay Tagumpay, Naujan kasunod ng kinatawan mula sa Naujan Municipal Engineering Office.
Una rito, nag-plead not guilty sina DPWH-Mimaropa officials Gerald Pacanan, Gene Altea, Ruben Delos Santos Jr., Dominic Serrano, Lerma Cayco, Felisardo Casuno, Dennis Abagon, Juliet Calvo at Montrexis Tamayo sa mga kasong malversation at graft sa Sandiganbayan.










