Nasawi ang dalawang Grade 8 na estudyante mula sa Captain Albert Aguilar National High School sa Las Piñas matapos saksakin ng tatlong kapwa nila estudyante noong Biyernes ng gabi.

Ayon kay Col. Sandro Jay Tafalla, hepe ng Las Piñas Police, magpinsan ang dalawang biktima at nagkaroon ng alitan sa tatlong kaklase nila dahil lamang sa switch ng ilaw sa classroom.

Nang pauwi na ang mga biktima bandang alas-7 ng gabi, hinabol umano sila ng mga salarin at 100 metro mula sa paaralan ay doon na sila sinaksak.

Isa sa dibdib, ang isa sa leeg.

Kabilang sa mga suspek ay isang 15-anyos na Grade 9 student, isang 14-anyos na Grade 7 at isang 16-anyos na Grade 10.

-- ADVERTISEMENT --

Dead on arrival ang unang biktima, samantalang ang pangalawa ay binawian ng buhay makalipas ang dalawang oras.

Dagdag pa ni Tafalla, makikipagpulong ang PNP sa school officials upang pag-usapan ang mas mahigpit na seguridad sa campus.

Hindi ito ang unang kaso — kamakailan lang, isang Grade 8 student sa Parañaque ang napatay rin matapos tumangging ipahiram ang kanyang makeup kit.

Bago pa ito, may nangyaring rambulan sa Pasig na ikinasugat ng dalawang estudyante.

Dahil sa sunod-sunod na insidente, nagpatawag ng pagdinig si Sen. Sherwin Gatchalian, at tinawag ang Pilipinas na “bullying capital of the world” batay sa datos ng Program for International Student Assessment.

Sa tala ng DepEd, mula Nobyembre 2022 hanggang Abril 2025, umabot sa 658 ang bullying complaints.

Nakababahala rin na sa halos 45,000 public schools sa bansa, 966 lang ang may aktibong anti-bullying committee.

Inihayag naman ng DepEd na sila ay seryoso sa bawat kaso ng pambu-bully at sila ay may agarang aksyon at tuluy-tuloy na hakbang para masigurong ligtas ang mga paaralan sa lahat ng mag-aaral.