Patay ang dalawang katao matapos barilin ng naghuramentadong kapitbahay sa Cebu City.

Kinilala ang mga nasawi na sina Nicardo Nombrado, 59-anyos, at George Kyle Lucas, 39-anyos, retired US Navy, kapwa residente ng Lucas Compound, Bayabas Extension, Barangay Punta Princesa.

Agad naman na nahuli ang suspek na kinilalang si Kevin Asia, 30-anyos, matapos siyang kuyugin ng mga residente sa lugar.

Ayon kay Police Major Timothy Jim Romanillos, hepe ng Labangon Police Station, nangyari ang krimen noong gabi ng December 18, 2025.

Sa imbestigasyon, sinabi niya na pumasok ang suspek sa loob ng naturang compound at pinalabas siya ng mga residente dahil hindi nila ito kilala.

-- ADVERTISEMENT --

Sa halip na lumabas ang suspek nagwala ito kaya naglabas ng baseball bat si Nombrado para itaboy palabas si Asia.

Lalo itong ikingalit ni Asia at inagaw ang baseball bat at pinagpapalo ang mga residente.

Nang marinig ni Lucas ang kaguluhan, lumabas siya ng bahay bitbit ang baril at binaril ang suspek sa paa.

Subalit, lalong naging agresibo ang suspek at naagaw nito ang baril kay Lucas binaril niya ito sa leeg ganun din si Nombrado na naging sanhi ng agaran nilang kamatayan.

Dito na kinuyog ng mga residente ang suspek na nagresulta sa pagkakadakip nito.

Sa pahayag ng mga kapitbahay, lulong umano sa ilegal na droga at online gambling ang suspek simula nang mamatay ang kanyang asawa nitong nakalipas na taon.