Patay ang dalawang katao, kabilang ang isang babae sa pamamaril sa labas ng isang bar sa Barangay 8, Vigan City, Ilocos Sur kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Police Lt. Col. Reynaldo Mendoza Jr., hepe ng Vigan Police Station ang mga biktima na sina Robert Apanay, 29-anyos, residente ng Brgy. san Julian, Vigan City, at Kriscell Rosario, 29-anyos, ng Barangay Tampugo, Tagudin, Ilocos Sur.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, nilapitan ni Apanay ang suspek na si Jayson Oriente, 30-anyos, ng Brgy. Poblacion Santol, La Union, na mag-isa na umiinom ng alak sa loob ng bar.

Makalipas ang ilang sandali ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa na naawat naman sila ni Rosario.

Kasunod nito ay umalis ang grupo ni Apanay, kung saan sinundan naman sila ng suspek.

-- ADVERTISEMENT --

Biglang inundayan ng saksak ni Apanay ang suspek gamit ang screwdriver sa labas ng bar.

Gumanti naman ang suspek matapos na ilabas ang kanyang baril mula sa kanyang bag at binaril si Apanay, at maging si Rosario na lumabas mula sa bar bago siya natumba dahil sa kanyang mga saksak.

Dinala sa pagamutan sina Apanay at Rosario, subalit binawin sila ng buhay dahil sa mga tama ng baril sa kanilang katawan.

Hinuli ang suspek at dinala din sa pagamutan dahil sa kanyang mga saksak.

Sa ngayon ay patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.