Nasawi ang dalawang katao matapos masangkot sa isang aksidente sa national highway sa Barangay Lakambini, Tuao, Cagayan, bandang alas-6:20 ng gabi noong Enero 10, 2026.

Ayon kay PMAJ Ariel Cambri, acting Chief of Police ng Tuao PNP, batay sa paunang imbestigasyon ay isang kulong-kulong na biyaheng patungong Tuao ang kasalubong ng isang motorsiklo at isang Toyota Vios na pauwi naman ng bayan ng Piat.

Sinubukan umanong mag-overtake ng motorsiklo sa Toyota Vios ngunit hindi nito napansin ang paparating na kulong-kulong, dahilan upang magbanggaan ang dalawa.

Dahil sa lakas ng impact, tumilapon ang motorsiklo at ang kulong-kulong.

Isinugod sa ospital ang drayber ng motorsiklo at kulong-kulong ngunit kapwa idineklarang patay dahil sa tinamong malulubhang pinsala.

-- ADVERTISEMENT --

Ang drayber ng motorsiklo ay residente ng Piat at may isang angkas na nagtamo ng minor injuries at nasa maayos nang kalagayan.

Samantala, ang drayber ng kulong-kulong ay taga-Tuao at may tatlong angkas na pawang nagtamo rin ng minor injuries at nasa mabuting kondisyon.

Nadamay din sa aksidente ang Toyota Vios at nagtamo ng minor injury ang sakay nito.

Sa kasalukuyan, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng pulisya sa mga pamilya ng mga sangkot upang pag-usapan ang posibleng kasunduan o pagsasampa ng kaso.