Arestado ang dalawang lalaki dahil sa alegasyon ng panghahalay sa mga menor de edad sa magkahiwalay na insidente sa Bukidnon at North Cotabato.
Inaresto ang isang 41-anyos na magsasaka dahil sa panghahalay umano sa kanyang mismong anak na babae na 17-anyos sa Kibawe, Bukidnon.
Ayon sa Police Regional Office-Northern Mindanao (PRO-10), inaresto ang akusado sa bisa ng warrant para sa dalawang bilang ng rape at dalawang bilang ng sexual assault.
Hindi pinayagan ng korte na makapagpiyansa ang akusado sa mga kasong rape, subalit inatasan na maglagak ng piyansa na tig-P100,000 para sa dalawang kasong sexual assault.
Ayon sa pulisya, ginawa umano ng akusado ang panghahalay sa biktima noong gabi ng Marso at Mayo ngayong taon.
Sinabi ng pulisya na noong una ay nanahimik ang biktima dahil sa binalaan umano siya ng kanyang ama, subalit kalaunan ay nagsumbong na siya sa kanyang ina.
Samantala, inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang 32-anyos na lalaki dahil sa panghahalay umano sa kanyang hipag sa Libungan, North Cotabato.
Ayon sa CIDG, inaresto ang akusado sa kasong statutory rape.
Sinabi ng CIDG na hinalay umano ng akusado ang kanyang menor de edad na hipag, na ngayon ay 16-anyos na, buhat noong 2020 sa kanilang bahay, na katabi lang bahay ng biktima.
Nangyari umano ang huling insidente noong March 13, 2024.
Natakot umano ang biktima na magsumbong, subalit sinabi na niya ang ginawa sa kanya ng akusado sa kanyang ina dahil hindi na niya ito masikmura, at dahil sa sakit at trauma.