Patay ang dalawang lalaki na nakasakay sa isang motorsiklo matapos silang pagbabarilin sa Barangay Vintar sa Valencia City, Bukidnon noong Miyerkules.
Ang mga biktima ay edad 47 at 45 at kapwa residente ng Barangay Kahaponan.
Ayon sa pulisya, patungo sa bayan ng San Fernando ang dalawa nang pagbabarilin sila ng salarin sa gilid ng daan.
Ilang basyo ng bala mula sa caliber .45 na baril ang nakita ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen.
Kaugnay nito, bigo pa rin ang mga awtoridad na mahuli ang gunman sa isinagawang hot pursuit at dragnet operation.
Gayunman, sinabi ng pulisya na mayroon na silang person of interest sa krimen.
Sinabi pa ng pulisya sa Bukidnon na nakatanggang ng banta sa buhay ang isa sa mga biktima, at tinambangan na rin noong nakaraang Enero pero nakaligtas.
Ayon sa pulisya, may kaugnayan sa iligal na droga ang isa sa tinitignan nilang motibo sa nasabing krimen.
Idinagdag pa ng pulisya na may dati nang criminal record ang isa sa mga biktima kabilang ang sa iligal na droga at mga armas.
Subalit ang isa ay wala silang makita na record, kaya paniwala nila ay nadamay lamang sa nasabing pamamaril.