Patay ang dalawang lalaki madugong insidente sa loob ng isang condominium sa Bgy. 94, Tondo, Maynila, kagabi.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-9 ng gabi nang matagpuan ang isang lalaki na duguan at walang suot na damit sa hallway ng ika-walong palapag ng gusali.

May sugat ito sa ulo na posibleng dulot ng ihinampas na matigas na bahay.

Ayon sa isang security personnel, humihinga pa ang biktima nang datnan nila ngunit binawian din ng buhay habang hinihintay ang pagdating ng ambulansya.

Samantala, isa pang lalaki ang natagpuang duguan sa ground floor ng kaparehong gusali matapos umanong mahulog mula sa ika-walong palapag.

-- ADVERTISEMENT --

Isinugod ito sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Batay sa testimonya ng mga saksi, bago ang insidente ay may narinig silang sigaw na humihingi ng tulong mula sa isang unit.

Ngunit pagdating umano sa hallway ay wala silang narinig na ingay kaya bumaba sila upang beripikahin ang sitwasyon.

Makalipas ang ilang minuto, nakatanggap muli sila ng ulat hinggil sa isang duguang lalaki sa itaas na palapag.

Ayon sa mga awtoridad, may indikasyon na nasa iisang unit ang dalawang lalaki bago ang insidente, ngunit hindi pa malinaw ang kanilang relasyon.

Ayon sa security personnel, halos dalawang linggo pa lamang umanong naninirahan sa gusali ang isa sa kanila.

Hindi rin malinaw sa ngayon kung sinadyang tumalon o may nagtulak sa lalaking natagpuan sa ground floor.

Tinitingnan din ng pulisya ang posibilidad na ang lalaking natagpuan sa ground floor ang posibleng nanakit sa lalaking nasa hallway.

Nakuha naman sa loob ng unit ang isang martilyo na hinihinalang ginamit sa krimen.

Dagdag pa ng mga awtoridad, nahihirapan ang imbestigasyon dahil may ilang CCTV camera sa gusali na hindi gumagana.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang buong detalye at motibo sa insidente.