Tinamaan ng kidlat ang tatlong magsasaka na nagresulta sa pagkasawi ng dalawa habang nagtamo naman ng sugat ang isa nilang kasamahan sa bulubunduking bahagi ng Brgy Naddungan, Gattaran, Cagayan.

Idineklarang dead on arrival sa pagamutan sina Dante Seguro, 77-anyos, at Rey Fabia, 55-anyos dahil sa tinamong tama ng kidlat sa ulo at kilikili habang patuloy namang nagpapagaling sa pagamutan si Armes Violeta Fabia, 49-anyos na pawang residente sa nasabing barangay.

Ayon kay Bryan Jay Seguro ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO- Gattaran, pasado alas tres ng hapon nang papauwi na ang mga biktima, kasama ang tatlong iba pa mula sa pag-aani ng mais sa bundok nang biglang umulan kaya nagpasya ang mga ito na sumilong sa isang puno.

Habang naghihintay ng pagtila ng ulan ay bigĀ­lang kumulog ng malakas kasunod ay ang pagkidlat na diretsong tumama sa dalawang nasawing biktima na kapwa may dalang itak.

Samantala, sinabi ni Seguro na nagdulot rin ng traffic at brown-out ang naranasang malakas na pag-ulan at hangin na dulot ng localized thunderstorm na may kasamang hailstorm o pag-ulan ng yelo matapos matumba ang mga puno at poste ng kuryente sa ilang barangay sa naturang bayan.

-- ADVERTISEMENT --