TUGUEGARAO CITY-Nilalamayan ang dalawang menor de edad na namatay kagabi matapos silang makuryente sa Solana,Cagayan.

Ayon kay Police Staff Sgt. Ronnie James Canapi ng PNP Solana,batay sa kanilang imbestigasyon, pauwi na sina Lawrence Macanaya,11, at Jayvee Linda,17,kapwa residente ng Barangay Ubong mula sa bukid nang madaanan nila ang nakalaylay na drop wire sa bukid ni Elpidio Abella.

Iniangat umano ni Linda ang wire sa pag-aakalang hindi ito live wire na dahilan ng kanyang pagkakakuryente at nabiwatan ang wire na nahulog naman sa lupa na may tubig kaya nadamay na ring nakuryente si Macanaya.

Agad silang isinugod sa ospital sa Tuguegarao City subalit hindi na sila umabot ng buhay.

Ayon naman kay Victorino Maggay,27, empleado ng Cagayan Electric Cooperative na may disconnection umano ng service drop wire sa circuit breaker na nakakonekta sa bahay ni Abella.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa ni Canapi na nakatakdang mag-usap ang may-ari ng bukid at ang pamilya ng mga biktima matapos silang ipatawag upang pag-usapan kung magsasampa ng kaso ang mga kaanak ng mga biktima.