Boluntaryong sumuko sa pamahalaan ang dalawang miyembro ng New Peoples Army (NPA) na kasama sa mga nakasagupa ng militar sa dalawang magkasunod na engkwentro sa bayan ng Baggao, Cagayan.
Ayon kay CAPT Bryan Albano, Civil Military Operation Officer ng 501st Infantry Brigade, sa tulong ng isang concerned citizen ay sumuko sina alyas Teren at Alyas Armin na kapwa miyembro ng Komiteng Rehiyong Cagayan Valley dahil walang makain at hindi makababa sa kabundukan dahil sa pinaigting na hot pursuit operation ng militar.
Aniya, sa salaysay ng dalawa ay tinakasan nila ang kanilang mga kasamahan at kasabay ng boluntaryong pagsuko ay isinuko rin nila ang kanilang hawak na matataas na kalibre ng baril at sa kanilang rebelasyon ay itinuro nila kung saan itinago ang dalawang Bushmaster at dalawang M16 na ibinaon sa lupa sa Sitio Rigga-ay Hacienda Intal.
Inihayag din aniya nila na wala na silang mapuntahan at konti na lamang sila sa kanilang grupo na labis nahihirapan sa pagtatago sa mga kabundukan kayat minabuti na nilang magbalik loob sa gobyerno.
Agad namang isinailalim sa pagsisiyasat ang dalawa at sa ngayon ay nasa pangangalaga na sila ng kasundaluhan.