Nakilala na ang dalawang opisyal ng rebeldeng grupong NPA na nasawi sa magkasunod na engkwentro noong Pebrero 13 sa bayan ng Baggao, Cagayan.

Kinilala ng mga otoridad ang nasawi sa unang sagupaan ang squad leader ng nabuwag na Komiteng Probinsiya- Isabela na si Alyas Sisoy, tubong Talaingod, Davao Del Norte.

Taong 2016, inilipat si Sisoy sa lalawigan ng Isabela mula Mindanao at noong 2017 ay ganap siyang naging miyembro ng Regional Sentro De Grabidad kung saan noong December 2021 ay lumipat ito sa bayan ng Baggao mula Maconacon, Isabela.

Habang ang nasawi sa ikalawang engwentro ay ang finance officer ng Komiteng Rehiyon- Cagayan Valley na si Paolo Macaraeg alyas Tobby, tubong Cavite at dating estudyante ng UP-Diliman na miyembro ng Kabataang Makabayan.

-- ADVERTISEMENT --

Taong 2016 nang unang makita si alyas Tobby na nagdiriwang ng anibersaryo ng Communist Party of the Philippines sa Brgy Balanni, Sto NiƱo, Cagayan.

Nakasama rin siya sa mga tumambang sa safehouse ng Military Intelligence Group sa bayan ng Baggao taong 2017 habang noong 2019 ay inilipat siya sa Komiteng Probinsya-Isabela at nang nabuwag taong 2022, isinama na siya sa Komiteng Probinsya-Cagayan.

Ang mga labi ng NPA na unang nasawi ay narekober ng tropa ng pamahalaan matapos ang mahigit 30 minutong sagupaan habang ang ikalawa ay narekober sa hot pursuit operation na nagresulta sa muling pagsiklab ng labanan na tumagal ng 15 minuto sa bulubunduking bahagi ng Brgy Sta Margarita.

Sa ngayon ay gumagawa na ng paraan ang mga otoridad upang makaugnayan ang pamilya ng mga nasawing NPA.

Samantala, tuluy-tuloy naman sa pagbibigay ng atensyong medikal sa isang Filipino-Japanese o alyas Brown na iniwang sugatan ng kanyang mga kasamang NPA matapos ang engkwentro.

Naging miyembro ng Kabataan Makabayan si alyas Brown habang siya ay nag-aaral sa Dela Salle University na kumukuha ng kursong AB Political Science.

Taong 2015 nang sumampa siya bilang regular na miyembro ng Benito Tesorio Command na kumikilos sa lalawigan ng Isabela at naging Squad Leader sa Komiteng Larangan Guerilla-Quirino-Nueva Vizcaya habang noong 2018 ay naging miyembro siya ng Regional Sentro De Gravidad, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley.

Sa nasabing engkwentro ay narekober ang maraming mga kagamitang pandigma at mga supersibong kagamitan.

Patuloy pa rin ang panawagan ng PTF-ELCAC ng Cagayan sa mga miyembro ng teroristang grupo na magbalik-loob na lamang sa pamahalaan habang hinikayat din ang iba pang mga maaaring sugatang NPA na bumaba na ng kabundukan upang mas mabigyan ng naaayon na lunas.