Nakaalerto ang General Santos City SPED Integrated School at Buayan National High School matapos makatanggap ng magkahiwalay na online threats na nagbabanta ng pamamaril sa pagbabalik ng face-to-face classes sa Agosto 3.

Sa mga social media post, nagbanta ang mga uploader na papatayin umano ang ilang estudyante at guro na kanilang inakusahan ng pambu-bully at hindi makatarungang pagtrato. Kalakip din ng isa sa mga post ang larawan ng baril at mga bala.

Dahil dito, agad nagdeploy ng mga pulis ang Police Regional Office-12 upang tiyakin ang seguridad sa dalawang paaralan habang isinasagawa ang imbestigasyon upang matukoy ang mga nasa likod ng mga online posts.

Ayon kay PRO-12 Regional Anti-Cybercrime Unit Operations Section Chief Major Mark Gerald Norbe, patuloy ang kanilang imbestigasyon at sinusuri ang lahat ng impormasyong may kaugnayan sa mga banta. Aniya, posibleng maituring ang insidente bilang isang uri ng nihilistic violent extremism, kung saan ang mga kabataan ay nahihikayat sa pamamagitan ng internet na lumikha ng kaguluhan at magbanta ng maramihang pananakit.

Samantala, tiniyak ng Department of Education-General Santos City na nakikipag-ugnayan ito sa mga awtoridad at iba pang katuwang na ahensya upang mapanatili ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at iba pang miyembro ng komunidad. Hinikayat din nito ang publiko na manatiling kalmado, huwag magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon, at agad iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad.

-- ADVERTISEMENT --