Sinuspindi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang dalawa sa apat na kadete dahil sa umano’y hazing incident sa Philippine Military Academy (PMA) dahil sa pananakit sa isang kadete.

Sinabi ni AFP spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla, isa ang pinawalang-sala, dalawa ang sinuspindi, habang ang isa pa ay pinarusahan base sa kanyang partisipasyon sa insidente bilang bahagi ng chain of command.

Batay sa imbestigasyon, sinabi ng Baguio City Police na ang biktima, 4th class cadet, ay nakaranas umano ng pisikal na pang-aabuso at pagpapahiya mula sa Septmber 2 hanggang 29, 2024.

Inilarawan ng biktima ang dinanas na pananakit bilang “animalistic tripping,” na kinabibilangan ng pananapak at labis na pisikal na pagpapagod.

Minsan ay sinuntok umano siya sa kanyang sikmura.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, nawalan siya ng malay at kinailangang isugod sa isang ospital sa Quezon City para sa medikal at sikolohikal na gamutan.

Matapos ang pagpapagamot, inilipat siya sa PMA Station Hospital at pinalabas noong Hunyo 30, 2025.

Una rito, sinabi ng PMA na ang nasabing insidente ay hindi maituturing na hazing.