
Nanawagan ang mga awtoridad sa sinomang may impormasyon na makakatulong sa pag-aresto sa dalawang persons under police custody na tumakas mula sa Tabuk City Police Station sa Barangay Laya West, Tabuk City, Kalinga.
Ayon kay Provincial Dir. PCol. Gilbert Fati-ig ng PNP Kalinga, tumakas sina alyas Andres Benito Jr., 35 anyos, at Michael Macagne, 39 anyos, kapwa magsasaka at residente ng Barangay Bulanao, Tabuk City, Kalinga na hinuli noong Dec 17, 2025 dahil sa kasong may kinalaman sa armas at iligal na droga.
Nagising ang isang pulis dahil sa malakas na ingay mula sa likod ng detention area at napansin na nawawala ang dalawang detainees.
Agad na sinabi ang insidente sa duty jailer, na nagsagawa ng head count at kinumpirma na wala ang dalawa.
Nabatid na pinutol ng mga ito ang rehas sa kanilang selda, umakyat sa kongkretong pader, dumaan sa maliit na butas at lumabas sa likurang bahagi ng presinto patungo sa provincial road noong Enero 2, 2026.
Bunsod ng pangyayari ay nirelieve na sa pwesto ang hepe ng PNP-Tabuk habang iniimbestigahan na ang mga pulis na bantay sa oras na mangyari ang insidente.
Patuloy ang manhunt at koordinasyon ng pulisya para sa agarang pagkakadakip muli sa dalawa.










