Tuguegarao City- Ipinag-utos ng Police Regional Command ang pagsibak sa dalawang pulis matapos mahuling nagsusugal at nangingikil sa lalawigan ng Isabela.

Ito ay matapos isagawa ng Regional Integrity Management Entrapment Team at Isabela Police Provincial Office (IPPO) ang entrapment operation sa mga ito.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PLTCOL Chevalier Iringan, tagapagsalita ng PRO2, makakaasa umano ang dalawang pulis ng patas at maayos na pagtrato at imbestigasyon.

Ayon kay PLTCOL Iringan, naihanda na rin ang kasong administratibo at kriminal laban sa dalawa.

-- ADVERTISEMENT --

Kung sakaling mapatunayang guilty ang mga ito ay maaaring matanggal sa serbisyo kasama na ang mga benepisyo sa pagiging miyembro ng PNP.

Magugunitang nahuli ng mga otoridad si PSSGT Jovimar Rodriguez ng PNP Bayombong, Nueva Vizcaya sa loob ng isang sabungan sa Cauayan City habang naaktuhan naman si PSMSGT Fidel Rey ng Isabela Special Motorcycle Assistance and Response Team na nangingikil sa nahuling traffic violators sa Cabatuan Isabela

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Regional Admin Holding Office ang dalawang nahuling pulis.