Patay ang isang pulis sa Quezon City matapos siyang barilin ng suspek nang rumeponde siya sa isang insidente ng holdup incident.

Bago ang pagbaril, napagtanungan pa ng pulis ang suspek.

Ayon sa mga awtoridad, nangyari ang insidente kahapon sa Barangay Commonwealth, nang holdapin ng suspek ang isang maglalako gamit ang food cart.

Sinabi ng pulisya na rumesponde ang nasawing pulis na si Patrolman Harvin Curtney Bagga, kasama ang isa pang pulis sa Katipunan Street.

Pagdating sa lugar, napagtanungan ng mga pulis ang isang lalaki kung saan tumakbo ito sa holdapan, pero iyon na pala ang suspek.

-- ADVERTISEMENT --

Noong tumalikod ang mga pulis, dito na bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan ang isang pulis na tinamaan sa kanyang balikat na tumagos sa kanyang dibdib.

Nakapagpaputok pa umano ng baril si Bagga, maging ang kasama niyang pulis at napatay nila ang suspek.

Isinugod sa ospital si Bagga subalit binawian siya ng buhay.

Hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng napatay na suspek.

Sugatan din sa naturang insidente ang hinoldap na biktima, at isa pang tao sa lugar.

Samantala, patay ang isa pang pulis na si Patrolman Mark Ornopia, matapos barilin ng suspek na nang-agaw ng baril ng isang security guard sa isang tindahan Barangay Poblacion, Danao City, Cebu.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, rumesponde si Ornopia at isang tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), subalit binaril ng suspek ang pulis na tinamaan sa kanyang ulo.

Gumanti naman ng putok ang tauhan ng BJMP at napatay niya ang suspek.