Natagpuan ng dalawang mangingisda ang dalawang sako ng hinihinalang ilegal na droga sa karagatan ng Sta. Cruz, Ilocos Sur, ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Linggo.

Ayon sa PCG, kapansin-pansin na ang mga nasabing sako ay may parehong uri ng packaging gaya ng mga nasamsam kamakailan sa karagatan ng Pangasinan, na nagpapahiwatig na maaaring inanod ito pahilaga dala ng agos ng dagat.

Noong Biyernes, tinatayang P1.7 bilyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat ng Coast Guard sa baybayin ng Pangasinan matapos itong iulat ng mga lokal na mangingisda.

Kinabukasan, higit 20 sako pa ng hinihinalang shabu ang narekober sa parehong lalawigan.

Sa pahayag ni Captain Mark Larsen Mariano, commander ng Coast Guard District Northwestern Luzon, binigyang-pugay niya ang mga mangingisda.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, ipinapakita ng insidenteng ito na ang ating mga mangingisda ay hindi lamang tagapag-alaga ng ating yamang-dagat kundi mahalagang katuwang din sa laban kontra krimen.

Dagdag pa niya, ang kanilang katapatan at mabilis na aksyon ang naging susi upang hindi makarating sa ating mga komunidad ang bilyong pisong halaga ng ipinagbabawal na droga na posibleng sumira sa buhay ng milyun-milyong Pilipino.

Patuloy ang pagbabantay ng PCG sa mga karatig-dagat dahil sa posibilidad na may iba pang sako ng ilegal na droga ang inaanod pa rin sa lugar.

Hinihimok din ng ahensya ang publiko, lalo na ang mga nakatira malapit sa dalampasigan, na agad ireport sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang pakete na kanilang makita sa dagat.