Mayroon na umanong tinitignang lead ang pulisya hinggil sa nangyaring pamamaril na ikinamatay ng dalawang senior citizen na sakay ng SUV sa liblib na lugar ng Sitio Padungsol, Brgy. Basao, Gattaran, Cagayan.

Kinilala ang mga biktima na sina Juanito Dela Cruz, freelance driver, 63-anyos at residente sa Punta, Aparri at si Zenaida Peneyra, 68-anyos, negosyante at residente ng Centro 4, Aparri.

Ayon kay PMAJ Gary Macadangdang, hepe ng PNP-Gattaran, bagamat may lead na sila sa kaso subalit hindi pa maaaring ilabas habang patuloy pang nangangalap ng ibang impormasyon kaugnay sa mga naging transakyon ng Ginang sa kanyang negosyo na buy and sell ng lupa at pagbebenta ng alahas.

Gayunman, hindi rin isinasantabi ng pulisya ang anggulong pagnanakaw dahil kapwa nawawala ang personal na gamit ng dalawang biktima tulad ng handbag ng Ginang at cellphone ng driver.

Nabatid na dalawang agta ang nagsabi sa napadaang miyembro ng Marine Batallion Landing Team 10 na galing Baggao kaugnay sa duguang katawan ni Dela Cruz na nasa drivers seat ng isang pulang sasakyan.

-- ADVERTISEMENT --

Sa pagresponde ng pulisya matapos itawag ng militar ay nadatnan pa nila na nakaandar ang sasakyan at maayos namang nakaparada sa gilid ng lansangan.

Sa pag-iimbestiga pa ng pulisya ay nakita sa creek ang katawan ng Ginang na may tama rin ng baril, limampung metro ang layo mula sa kanyang sasakyan.

Sinabi ni Macadangdang na kapwa nagtamo ng tig-dalawang tama ng cal.45 na baril sa kanilang ulo na tumagos sa kanilang tagiliran ang dalawang biktima.

Sa imbestigasyon ng pulisya, unang binaril ng malapitan ang driver sa lugar na walang kabahayan at isinunod ang Ginang na nakaupo sa likurang bahagi ng sasakyan na nagawang makalabas subalit naabutan pa rin ito.