
Dalawang spillway gate na ng Magat Dam ang binuksan na may apat na metro ang taas kaninang 2 p.m.
Ang water elevation sa dam ay 187.28 meters above sea level, malapit na sa critical level na 190 meters, habang ang normal high water level ay 193 meters above sea level.
Ang inflow ng tubig sa dam ay 363.05 cubic meters per second, habang at kabuuang outflow ay 849.06 cms.
Kaugnay nito, sinabi ng National Irriogation Administration (NIA) na ang pagpapakawala ng tubig ay bilang pre-emptive measure sa gitna ng banta ng paparating na Bagyong Uwan.
Sa pamamagitan nito ay maiiwasan ang biglaang pag-apaw sakaling sabayan ng malakas na ulan sa mga susunod na araw.
Ipinaliwanag ni NIA Administrator Engr. Eduardo Guillen na maingat at kontrolado ang operasyon dahil sa paggamit ng smart weather forecasting system, na nakatutok sa dami ng ulan na babagsak sa mga catchment area.
Dagdag pa ni Guillen, dahil sa makabagong teknolohiya, naisasabay na ng NIA ang pamamahala ng dam sa pagbibigay ng sapat na patubig sa mga magsasaka habang pinapanatili ang ligtas na antas ng tubig.
Sa ngayon, nananatiling naka-alerto ang mga awtoridad habang binabantayan ang posibleng epekto ng Bagyong Uwan sa Northern at Central Luzon.










