
Nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawang lalaking itinuturong nasa likod ng pamamaril sa isang 29-anyos na empleyado ng motel sa Tabuk City, Kalinga.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente sa Barangay Dagupan pasado alas-tres ng madaling araw noong Pebrero 3 kng saan natutulog ang biktima sa sofa malapit sa receiving area ng motel.
Batay sa CCTV, unang pumasok ang dalawang suspek bandang alas-tres kinse ng madaling araw ngunit lumabas din agad.
Makalipas ang ilang minuto, muling pumasok ang isa sa mga suspek at binaril sa tiyan ang biktima bandang alas-tres bente ng madaling araw bago tumakas.
Isinugod pa umano sa ospital ang biktima ngunit binawian din ng buhay.
Ayon sa PNP Kalinga, boluntaryung sumuko ang dalawang suspek sa tulong ng Basao elders, ng pamahalaang panlalawigan ng Kalinga sa pamamagitan ng Kalinga Bodong Council, at ng kapulisan.
Umaasa ang KPPO na sa pamamagitan ng koordinasyon ng mga elders at ng lokal na pamahalaan, mahihikayat ang mga sangkot sa kahalintulad na insidente na agad na sumuko upang maiwasan ang paglala ng sitwasyon at mapanatili ang kapayapaan sa komunidad.










