Nagsampa ng kasong murder ang kapulisan ng Cagayan sa dalawang suspek sa pamamaril-patay sa punong barangay ng Barangay 2, Enrile, Cagayan na si Bernardo Gacuan sa loob mismo ng barangay hall noong May 9, 2025.

Ayon sa PNP Cagayan, inihain ang kaso sa pamamagitan ng regular filing laban sa mga suspek na kapwa residente ng San Mariano, Isabela noong June 3.

Natukoy ang mga hindi muna pinangalanang mga suspek sa pamamagitan ng masusing imbestigasyon, kabilang na ang pakikipag-ugnayan sa mga testigo at pagsasagawa ng forensic procedures.

Matatandaan na na nagtamo ng tama ng baril sa ibabang bahagi ng kanyang balikat ang kapitan matapos siyang pagbabarilin.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sinundan umano ng suspek ang kapitan hanggang sa barangay hall at matapos ang pamamaril ay agad tumakas ang mga suspek, sakay ng isang motorsiklo na walang plaka na minaneho ng kanyang kasabwat patungo sa hindi natukoy na direksyon.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa mga nakasaksi sa krimen, ang gunman ay nakasuot ng itim na long-sleeved shirt at gray maong pants; habang ang nagmaneho naman ng motorsiklo ay nakasuot ng itim na sando jersey at itim na pantalon at kapwa nakasuot ng itim na helmet.

Agad namang itinakbo ng Enrile Rescue Team sa Saint Paul Hospital sa Tuguegarao City ang biktima, subalit idineklarang dead-on-arrival ng attending physician.

Kaugnay nito, nangako si PCOL Mardito Anguluan, director ng PNP Cagayan na hindi titigil ang kapulisan hangga’t hindi naibibigay ang hustisya sa biktima at sa kanyang pamilya.