TUGUEGARAO CITY-Nagpadala ang Cagayan Valley Regional Disaster Risk Reduction and Management Council ng Damage Assessment and Needs Analysis (DANA) team para tignan ang lawak ng pinsala ng magkasunod na lindol na naranasan sa Itbayat, Batanes nitong madaling araw ng Sabado.
Ayon kay Bryan De vera, operation officer ng Office of Civil Defense(OCD)-Region 2, tatagal ang team na binubuo ng iba’t-ibang ahensiya hanggang agosto 9, 2019 sa lugar para sa gagawing assessment.
Aniya,matapos ang gagawing assessment ay agad gagawan ng report para maipasa sa taas at para masimulan ang rehabilitation sa lugar.
Samantala, sinabi ni De Vera na kasalukuyan na umanong naghahanap ng lugar ang Department of Health (DOH)na magpapatayuan ng anim na pansamantalang palikuran sa evacuation area.
Ayon kay De vera, kulang ang palikurang ginagamit ng 805 na pamilya na binubuo ng 2,616 na biktima ng lindol sa lugar na kasalukuyang nasa plaza sa nasabing bayan.
Bukod dito, sinabi ni De Vera na nakapagtala ang DOH ng 181 na consultation kung saan karamihan sa mga ito ay ang acute respiratory infection, High blood pressure at minor injury.
Sa ngayon, hindi pa mabatid ni De vera kung hanggang kailan mananatili ang mga evacuees sa lugar dahil sa takot at banta ng aftershocks.
Pinayuhan naman ni De Vera ang mga turista na nagtutungo sa Batanes na iwasan muna ang pagpunta sa bayan ng Itbayat dahil mapanganib pa para sa mga turista ang lugar.