
Usap-usapan ngayon ang isang dambuhalang bato sa labas ng National Museum of Natural History sa Maynila matapos sabihing nagmula ito sa Bulkang Mayon sa Albay.
Ayon sa ulat, ang naturang bato ay may bigat na 60 tonelada—katumbas ng halos 30 kotse—at taas na kasinghaba ng dalawang taong nakatayo.
Sinasabing ibinuga ito ng Bulkang Mayon noong pumutok ito noong 1814, isang trahedyang kumitil ng 1,200 katao.
Paliwanag ni Maileen Rondal, isang geologist mula sa National Museum, andesite ang uri ng batong ito—isang klase ng igneous rock na karaniwang iniluluwa ng mga bulkan.
Inilipat ang bato mula Albay patungong Maynila habang itinatayo pa lamang ang museo.
Layunin ng pagkakaroon nito sa harap ng museo ang pagpapakita na ang Pilipinas ay isang “volcanic country,” at pagpapaalala sa kasaysayan ng isa sa pinakaaktibong bulkan sa bansa—ang Bulkang Mayon.