Inaasahang magbabalik ng karagdagang P200 million sa pamahalaan bilang restitution si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan District Engineer Henry Alcantara.

Ayon sa Department of Justice (DOJ), inaasahang ibibigay ni Alcantara sa susunod na linggo ang nasabing halaga sa gitna ng kanyang aplikasyon sa Witness Protection Program (WPP).

Unang nagbalik ng P110 million si Alcantara sa pamahalaan nitong nakalipas na buwan ng Nobyembre.

Muling pumunta si Alcantara sa DOJ sa ginagawang imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.

Itinuturing ngayon si Alcantara, kasama ang mga dating opisyal ng DPWH na sina Roberto Bernardo, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza, na “protected witness.”

-- ADVERTISEMENT --

Sila ay nasa ilalim ng “provisional acceptance” sa WPP.

Samantala, sinabi ni Justice spokesperson Polo Martinez na submitted for resolution na ang reklamo laban kay dating Ako Bicol Party-List Representative Zaldy Co.

Isinama kamakailan si Co bilang karagdagang respondent sa reklamo kaugnay sa ghost flood control project ng SYMS Construction sa Bulacan.

Sinabi ni Martinez na hindi nagsumite ng kanyang counter affidavit si Co.