Pormal nang nai-turnover ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Engineer Brice Hernandez ang kaniyang GMC luxury vehicle sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong ng ICI, asahan pa ang pag-turnover ni Hernandez ng iba pa nitong luxury vehicles.

Sinabi pa ni Magalong na kanilang isasailalim sa auction ang isinukong sasakyan ni Hernandez.

Ayon kay Magalong, marami pa silang mga personalidad na ipapatawag kaugnay ng mga katiwalian sa flood control projects.

Bukas din si Magalong sa hamon ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson na imbestigahan din ng ICI ang balwarte ni Pangulong Bongbong Marcos sa Ilocos Norte at ang Bicol Region.

-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ni Magalong na sa katunayan ay hindi lamang flood control projects ang kanilang natuklasan na may talamak na katiwalian.

Kinumpirma rin ni Magalong na maayos namang nasagot ni dating Public Works Secretary Manuel Bonoan ang mga katanungan sa kanya sa pagdinig ng ICI.

Idinagdag ni Magalong na wala nang naidagdag na impormasyon si Hernandez laban kina Senators Jinggoy Estrada at Joel Villanueva.