
Kinuwestiyon ng dating National Bureau of Investigation–NCR Director na si Ricardo Diaz ang pahayag na sumailalim na sa mandatory retirement si dating PNP chief Gen. Nicolas Torre III, at iginiit na ang pagkakatalaga nito sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay maituturing na “secondment.”
Ayon kay Diaz, karaniwan at matagal nang praktis sa gobyerno ang secondment, kung saan pansamantalang itinalaga ang isang opisyal sa ibang ahensya ngunit nananatili sa payroll ng kanyang mother agency. Dahil dito, posible umanong manatili si Torre bilang aktibong opisyal ng PNP habang nagsisilbi sa MMDA.
Gayunman, mariing itinanggi ito ng PNP. Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño, tuluyan nang nagretiro si Torre epektibo Disyembre 26, 2025, at hindi umano ito secondment.
Nauna nang sinabi ni Torre na hindi pa siya nag-aapply ng retirement at naghihintay pa ng direktiba mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. tungkol sa kanyang mga susunod na hakbang.










