
Hinatulan ng 25 taong pagkakakulong ng Kosovo Specialist Chambers sa The Hague si dating Kosovo President Hashim Thaçi matapos mapatunayang nagkasala sa ilang war crimes na isinagawa noong digmaan sa Kosovo laban sa Serbia noong 1998 hanggang 1999.
Kabilang sa mga kasong napatunayan laban kay Thaçi ang murder, torture, cruel treatment at arbitrary detention.
Ayon sa korte, may pananagutan si Thaçi sa pagpatay sa 96 katao, arbitrary detention sa 385 indibidwal, torture sa 303 katao at malupit na pagtrato sa 49 na biktima.
Si Thaçi, 58-anyos, ay dating senior leader ng Kosovo Liberation Army o KLA na lumaban sa pwersa ng Serbia noong digmaan. Itinanggi niya ang mga alegasyon laban sa kaniya at maaari pang umapela sa hatol.
Kasama ring nahatulan ang tatlo pang dating lider ng KLA. Si Kadri Veseli ay nakulong ng 18 taon, Rexhep Selimi ng 13 taon, habang si Jakup Krasniqi ay hinatulan ng 25 taon.
Naging prime minister si Thaçi matapos ang digmaan at naging pangulo ng Kosovo mula 2016 hanggang 2020. Nagbitiw siya sa pagka-presidente noong 2020 matapos siyang kasuhan ng tribunal at nagtungo sa The Hague upang harapin ang paglilitis.
Samantala, ibinasura ng korte ang ilang kasong crimes against humanity dahil hindi napatunayan ng prosekusyon na bahagi ang mga ito ng malawak o sistematikong pag-atake laban sa mga sibilyan.









