TUGUEGARAO CITY- Pinatay sa harap mismo ng kanyang kinakasama ang isang dating rebelde sa pamamagitan ng pagbaril ng mga umano’y miembro ng New Peoples Army (NPA) sa bayan ng Rizal, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Joseph Gamatal, 45-anyos, tubong Baggao na kasalukuyang nakatira sa Brgy. Masi, Rizal.

Ayon kay PLt. Jefferson Berida, Chief of Police ng PNP-Rizal na batay sa salaysay ng kinakasama ng biktima na si Sheryl Batulan, bigla umanong dumating ang nasa sampung armadong kalalakihan sa kanilang tahanan at bigla na lamang silang hinila palabas ng kanilang bahay.

Inilayo lamang umano si Sheryl ng sampung metro at binaril na ang kanyang kinakasama sa hindi mabatid na dahilan na sanhi ng kanyang agarang kamatayan.

Sinabi ni Berida na nakilala umano ni Sheryl ang isa sa mga suspek kung kaya’t ito ang tinututukan ng kanilang hanay para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng biktima.

-- ADVERTISEMENT --

Nakuha sa pinangyarihan ng pamamaril ang isang basyo ng bala ng calibre 45.

Nabatid na nito lamang buwan ng Enero ng taong kasalukuyan nang sumuko sa pamahalaan ang biktima matapos ang ilang taon na pakikianib sa mga makakaliwang grupo.

Naging aktibo umano ang biktima sa pakikipagtulungan sa kapulisan at kasundaluhan sa pangangalap ng impormasyon mula sa makakaliwang grupo kung kaya’t ito ang kanilang tinitignang dahilan ng pagpatay sa biktima.

Sa ngayon, nasa mabuti namang kalagayan si Sheryl habang nakikipag-ugnayan na ang kapulisan sa bayan ng Baggao matapos hilingan nito na iuwi ang kanyang kinakasamasa kanilang bayan.