Nahaharap sa kasong plunder sa Office of the Ombudsman si dating Senate President Francis Escudero kaugnay ng umano’y P586 milyong kickbacks mula sa mga flood control projects.

Batay sa dokumentong isinumite sa Ombudsman, sinasabing nakatanggap si Escudero ng hindi direktang benepisyo na P306 milyon at P280 milyon mula sa iba’t ibang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Lumitaw sa reklamo ang testimonya ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, na nagsabing ang umano’y perang kickback ay dinaan kay Maynard Ngu, na tinukoy bilang kaibigan at campaign contributor ni Escudero.

Ayon sa dokumento, may mga delivery umano ng pera noong 2024 at 2025 na umabot sa daan-daang milyong piso para sa mga proyektong nasa iba’t ibang lungsod at probinsya sa bansa.

Mariing itinanggi ni Escudero ang mga paratang at iginiit na wala siyang awtorisasyon kay Ngu at walang ebidensyang direktang nakatanggap siya ng pera.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi rin ng dating senador na pabago-bago at hindi tugma ang mga salaysay ni Bernardo, at binigyang-diin na hindi nito unang nabanggit ang ilang umano’y kickback sa naunang mga affidavit.

Hiniling din ni Escudero sa Ombudsman na huwag bigyan ng immunity si Bernardo at iba pang sangkot, at iginiit na mas malaki umano ang pananagutan ng dating opisyal ng DPWH.

Kasalukuyang nirerepaso pa ng Ombudsman kung isasampa ang kaso sa Sandiganbayan.