Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kasong graft laban sa tatlong dating opisyal ng Land Bank of the Philippines at isang negosyante kaugnay ng umano’y iregularidad sa pag-apruba at pag-renew ng mga pautang sa American Boulevard Trading Corporation (ABTC).

Kabilang sa mga inirekomendang kasuhan sina dating LandBank first vice president Lolita Silva, dating assistant vice president Danilo Dayanghirang, account officer Ronaldo Robles, at ABTC president at chairman Alberto Ching.

Ayon sa Ombudsman, nakakita ito ng prima facie evidence na may makatwirang posibilidad na magresulta sa conviction laban sa apat dahil sa paglabag umano sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Batay sa imbestigasyon, nagsimula sa ₱50 milyon ang short-term loan facility ng ABTC noong Agosto 2017, na itinaas sa ₱100 milyon noong Pebrero 2018 at naging ₱115 milyon pagsapit ng Setyembre ng parehong taon.

Natuklasan umano sa internal investigation at special audit ng LandBank ang ilang iregularidad, kabilang ang paggamit sa loan proceeds sa ibang layunin, pag-renew ng promissory notes kahit may mga overdue account, at kabiguang maayos na suriin ang kakayahang pinansyal at creditworthiness ng kompanya.

-- ADVERTISEMENT --

Lumabas din sa imbestigasyon na mas mataas umano ang financial projections na ginamit upang bigyang-katwiran ang mga pautang kumpara sa aktuwal na rekord ng kompanya.

Ayon pa sa Ombudsman, nagbigay ng hindi nararapat na benepisyo o pabor sa ABTC ang mga naging hakbang ng mga respondent, habang umabot sa mahigit ₱141.3 milyon ang natitirang obligasyon ng kompanya sa LandBank.

Samantala, nag-ugat ang reklamo sa impormasyong isinumite ng LandBank matapos ihayag ni Ching noong 2022 ang umano’y pagkakaroon ng mga tagaloob na nagpapabilis sa pag-apruba at pag-renew ng mga pautang kapalit ng 10 porsiyentong komisyon.