
Muling nabuhay sa impeachment trial ang usapin sa confidential funds ng OVP matapos ilahad ang mga acknowledgment receipt na may mga pangalang Antonio Pagong, Timon Andrew Pusa, May Pamana, Don Piang, Shane Ngitngit at Xuniso Belat na umano’y tumanggap ng kabuuang ₱850,000.
Gayunman, sinabi ni dating OVP special disbursing officer Gina Acosta na wala siyang personal na kaalaman kung tunay na tao o lehitimong recipient ang mga nakapangalan sa resibo. Aniya, umasa lamang siya sa mga dokumentong isinumite ni dating security chief Col. Raymund Lachica.
Naging sentro rin ng pagtatanong ang mga resibong may pangalang Clarisse Hontiveros at Lapid, na kapwa itinanggi ng mga senador na may kaugnayan sa pagtanggap ng confidential funds.
Samantala, paulit-ulit na iginiit ni Acosta na hindi niya maipaliwanag ang ilang transaksiyon dahil si Lachica umano ang nagpatupad ng mga operasyon.
Dahil sa hindi pagdalo ni dating DepEd SDO Edward Fajarda matapos umanong ma-stroke, tatlong military officers ang ipapatawag bilang mga susunod na testigo sa impeachment trial.










