Naglaan ang Department of Budget and Management o DBM ng P27.41 bilyon para sa medical assistance ng mga indigent at financially incapacitated na Pilipino sa buong bansa.

Ayon sa DBM, gagamitin ang pondo para sa pagpapatuloy ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients o MAIFIP Program ng Department of Health o DOH, kabilang ang tulong sa pagpapagamot, gamot, hospitalization, emergency treatment at iba pang gastusing medikal.

Pinakamalaking bahagi ng pondo na P19.145 bilyon ay mapupunta sa Centers for Health Development o CHDs para sa medical assistance sa pamamagitan ng mga partner na pampubliko at pribadong ospital at iba pang health facilities. P4.353 bilyon naman ang ilalaan sa mga DOH hospital sa Metro Manila at mga rehiyon, habang P2.91 bilyon ang para sa mga specialty hospital ng gobyerno.

May P950 milyon para sa UP-Philippine General Hospital at P52 milyon para sa Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Centers.

Ayon kay Budget Secretary Kim Robert de Leon, bahagi rin ng pondo ang pagpapatupad ng eMAIFIP sa pamamagitan ng eGovPH superapp para mas mapadali at mapabilis ang pagkuha ng medical assistance ng mga nangangailangan.

-- ADVERTISEMENT --