Tiniyak ng Department of Budget and Management (DBM) na susunod ito sa mga direktiba ng Korte Suprema hinggil sa unprogrammed appropriations sa 2026 national budget.

Ayon sa DBM, ipagpapatuloy ang pagpapatupad sa mga probisyon ng pambansang badyet na hindi saklaw ng desisyon, alinsunod sa Konstitusyon at iba pang umiiral na batas.

Nilinaw din ng ahensya na ang mga pondong nailabas na mula sa unprogrammed appropriations ngayong 2026 ay inilaan lamang sa mga proyektong may foreign assistance.

Nauna nang idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang ilang probisyon tungkol sa unprogrammed appropriations sa 2024, 2025 at 2026 national budgets dahil sa mga pagtaas ng pondong ginawa ng Kongreso.

Samantala, inatasan ng Malacañang ang Office of the Solicitor General na maghain ng motion for reconsideration upang hilinging muling suriin ang ilang bahagi ng desisyon.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ng DBM na patuloy itong makikipag-ugnayan sa OSG at iba pang ahensya upang matukoy ang mga susunod na hakbang habang tinitiyak ang katatagan ng pananalapi at tuloy-tuloy na paghahatid ng mga serbisyong pinahihintulutan ng batas.