Kinuwestiyon ni Vice President Sara Duterte ang desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang mga habeas corpus petition na kumukuwestiyon sa pag-aresto at paglilipat kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands.

Sa pahayag nitong Miyerkules, Nobyembre 25, iginiit ng bise presidente na walang dayuhang korte o bansa ang dapat manaig sa soberanya ng Pilipinas. Aniya, dapat manatiling prayoridad ng pamahalaan ang pangangalaga sa buhay, kalayaan at mga pangunahing karapatan ng bawat Pilipino.

Kinuwestiyon din niya ang pagbasura sa mga petisyon dahil moot and academic na ang mga ito. Giit ni Sara, hindi dapat basta ibasura ng mga korte sa Pilipinas ang mga usaping may kinalaman sa soberanya ng bansa, pananagutang konstitusyonal at tungkulin ng pamahalaan na protektahan ang mga mamamayan laban sa pakikialam ng ibang bansa.

Nauna nang ibinasura ng Supreme Court En Banc, sa botong 9-4, ang pinagsama-samang habeas corpus petitions na inihain nina Sebastian, Veronica at Paolo Duterte upang kuwestiyunin ang pag-aresto at paglilipat sa dating pangulo sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague.

Ipinaliwanag ng Korte Suprema na hindi na maipatutupad ang writ of habeas corpus dahil nasa kustodiya na ng ICC si Duterte at hindi na saklaw ng kapangyarihan ng mga korte sa Pilipinas ang pagpapatupad nito sa labas ng bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, nilinaw ng mataas na hukuman na hindi nangangahulugang legal ang pag-aresto at paglilipat kay Duterte o walang nalabag na karapatan nito ang kanilang desisyon. Hindi rin nito pinagpasiyahan ang naturang mga usapin.

Samantala, inanunsyo ni Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., abogado ni Veronica Duterte, na naghahain sila ng motion for reconsideration upang kuwestiyunin ang desisyon ng Korte Suprema.