Kinondena ni Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Party-List Rep. Leila de Lima ang naging pahayag ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na umano’y sangkot ang lahat ng kongresista sa vote buying, na tinawag niyang offensive at unfair.

Ayon kay De Lima, hindi sapat na basta na lamang burahin o i-strike out sa rekord ang naturang alegasyon.

Iginiit niya na nararapat itong personal na bawiin ni Leviste.

Nag-ugat ang isyu matapos magpahayag si Leviste na may kinalaman umano ang mga kongresista sa vote buying, na agad namang umani ng reaksyon mula sa ilang miyembro ng Kamara de Representantes.

Sa kalaunan, nilinaw ni Leviste na hindi lahat ng mambabatas ay sangkot at binawi ang kanyang naunang pahayag.

-- ADVERTISEMENT --

Nilinaw ni Leviste na ang tinutukoy niya ay ilan lamang at hindi lahat, at marami sa mga miyembro ng Kongreso ang hindi lumalabag sa batas sa halalan.

Samantala, kinuwestiyon din ng ilang mambabatas ang basehan ng mga alegasyon ni Leviste laban kay Executive Secretary Ralph Recto at iba pa, kabilang ang umano’y malaking campaign spending sa Batangas.

Itinanggi naman ng kampo ni Recto ang mga paratang at tinawag itong walang batayan.

Iginiit ni Leviste na laganap ang vote buying sa bansa at umaabot umano sa milyon hanggang bilyong piso ang ginagastos sa kampanya ng ilang kandidato.

Sa kasalukuyan, isinumite na sa Committee on Rules ang usapin upang masuri at mabigyan ng kaukulang aksyon.