
Sinuportahan nina House Senior Deputy Minority Leader Leila de Lima at Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon ang panawagang alisin ang kriminal na parusa sa libel at cyber libel sa bansa.
Ayon kay De Lima, maghahain siya ng panukalang batas sa Kamara upang ma-decriminalize ang mga naturang paglabag, na aniya ay ginagamit umano ng ilang makapangyarihang personalidad upang patahimikin ang mga kritiko at atakehin ang kalayaan sa pamamahayag.
Binigyang-diin ni De Lima na dapat managot ang mga umaabuso sa kalayaan sa pagsasalita, ngunit hindi umano dapat gamitin ang batas upang supilin ang karapatang ito.
Kaisa rin si Ridon sa panawagang repasuhin ang mga umiiral na batas laban sa libel at cyber libel upang maprotektahan ang mga mamamahayag laban sa mga kasong ginagamit umano upang takutin sila at pigilan sa paghahatid ng impormasyon sa publiko.
Sa kasalukuyan, hindi bababa sa tatlong panukalang batas na naglalayong alisin ang kriminal na parusa sa libel ang nakabinbin sa House Committee on Revision of Laws.
Muling umigting ang usapin matapos arestuhin noong Sabado ang 72-anyos na mamamahayag na si Philip Lustre Jr. kaugnay ng kasong cyber libel sa Davao City. Pinalaya rin siya nang gabi ring iyon matapos maglagak ng ₱48,000 na piyansa.









