Umakyat na sa mahigit 20 katao ang nasawi sa nagpapatuloy na malawakang wildfires sa magkakahiwalay na lugar sa South Korea.

Ayon kay BINC Juneil Lee Acula sa naturang bansa, kabilang sa nasawi ang isang 73-anyos na piloto matapos bumagsak kahapon ang isang firefighting helicopter habang nagsasagawa ng operasyon upang apulahin ang sunog sa Uiseong-gun.

Karamihan aniya sa mga nasawi dahil sa sunog at smoke inhalation ay may edad na at pawang mga magsasaka ng prutas habang nasa mahigit 26K katao na ang sapilitang inilikas.

Patuloy naman ang ginagawang pag-apula ng nasa 4,500 na bilang ng mga firefighters at military personnel sa mga naitalang wildfires mula sa ibat-ibang bayan sa southeastern region.

Sa ngayon, mahigit 370 square kilometer ng lupa, kabilang ang mga sinaunang templo at kabahayan ang nasira sa wildfires kung saan idineklara na ng gobyerno bilang special disaster zones ang mga apektadong lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Pinangangambahan naman ang mas matinding pinsala ng sunog dahil sa kasalukuyang klima sa bansa kung saan tuyo ang mga kabundukan na sinabayan pa ng malakas na hangin kaya pahirapang makontrol ang apoy.

Sa kabila nito, sinabi ni Acula na nailikas na sa ligtas na lugar ang mga apektadong Overseas Filipino Workers.