Umabot na sa 201 ang kumpirmadong nasawi habang 747 ang sugatan sa isinagawang joint airstrikes ng United States at Israel laban sa Iran, ayon sa ulat ng Iranian state media.

Batay sa report ng Press TV, naitala ang mga biktima sa 24 lalawigan sa buong bansa. Iniulat naman ng Islamic Republic News Agency (IRNA) na kabilang sa mga nasawi ang 85 katao matapos tamaan ng strike ang isang primary school para sa mga batang babae sa Minab, sa timog Iran.

Ayon kay Abbas Araghchi, ang gusali ay dati umanong bahagi ng isang military base ngunit matagal nang nahiwalay at nagsilbing paaralan mula pa noong 2016. Nasa tinatayang 60 metro lamang ang layo nito mula sa isang Iranian military facility.

Patuloy pang bineberipika ang kabuuang pinsala at bilang ng mga biktima habang tumitindi ang tensyon sa rehiyon. Wala pa ring hiwalay na kumpirmasyon mula sa mga independent source.

Samantala, sinabi ni Tim Hawkins, tagapagsalita ng United States Central Command (CENTCOM), na kanilang sinusuri ang mga ulat ng civilian casualties. Binigyang-diin niya na prayoridad ng U.S. ang proteksyon ng mga sibilyan at patuloy ang mga hakbang upang mabawasan ang panganib sa rehiyon.

-- ADVERTISEMENT --