Nagbabala ang Office of the Civil Defense (OCD) Region 2 sa posibleng pagbagsak ng debris ng inilunsad na rocket ng China kahapon.
Sinabi ni Mia Edcel Carbonel, information officer ng OCD Region 2, batay sa inilabas na abiso ng Philippine Space Agency at Cagayan Valley Disaster Risk Reduction Management Council, tinukoy ang mga posibleng drop zonez ng debris mula sa Long March 7A rocket sa karagatan sa bahagi ng Dalupiri Island at Camiguin Norte sa Calayan at Santa Ana Cagayan at sa Burgos, Ilocos Norte.
Pinapayuhan ni Carbonel ang mga mangingisda at mga residente sa mga nasabing lugar na huwag lapitan o kunin ang mga makikitang debris sa karagatan sa halip ay ipagbigay-alam ito sa mga awtoridad dahil sa posibleng naglalaman ang mga ito ng toxic substance tulad ng rocket fuel.
Bagamat hindi inaasahan na babagsak ang debris sa matataong lugar, nagbabala ang OCD na posibleng magdulot ito ng panganib sa maritime traffic, kabilang ang mga barko, fishing boats, at mga aircraft na dumadaan sa nasabing lugar.
Sinabi pa ng OCD na may posibilidad na maanod ang mga nasabing debris sa mga kalapit na baybayin.